Wednesday, April 20, 2011

Unang tatlong lingo sa Metro.

"Kuya, pano pong papuntang Munisipyo ng Taguig?"

"Kuya, papuntang C5 ba to?"

"Kuya, saan dito ang CR?"

"Kuya, eto na po ba ang Apo Bi?"

Yun... kabisado ko na ang sining ng pagtatanong. Bawat pagtatanong, iniensayo ko para hindi mahalatang taga ibang lungsod ako (lungsod ng Zamboanga... pero Probinsya ang tawag ng mga Manilenyo sa kahit anong lugar na hindi sakop ng Metro Manila... kahit syudad ang Zamboanga, probinsya pa rin ito para sa kanila). 

Marami akong natutunan sa tatlong linggong pananatili ko dito sa Maynila. Ang blog na ito ay iniaalay ko sa mga kapwa kong taga-ibang lungsod (o probinsyano, sige na lang) na nangagailangan ng gabay sa paggala nila sa malaking lungsod.

Tip # 1: Learn the Basics: Sa Zamboanga kasi, kung papara ka ng jeep, ang kailangan mo lang gawin ay kalantugin ang kahit anong baryang meron ka sa steel bar ng jeep at gets na ni Manong driver na bababa ka na. Dito sa Maynila, kelangan mong isigaw ang "PARA!!" ng bonggang bongga. Hindi pwedeng "pah-ra" na pakiyeme-kiyeme dahil di ka maririnig ni Manong Driver... maingay ang mga kalye ng Maynila... kelangan mong sumigaw!! At tuwing iaabot mo ang bayad, ang sasabihin mo "Bayad ho!" sabay "pasuyo ho ng bayad" sa katabi.

Tip # 2: Ang pedestrian lane ay hindi PROJECT RUNWAY: di pwede ang pabagal-bagal pag tumatawid ng kalsada! Pero pwede naman ang pabagal-bagal ,yun ay kung gusto mong masagasaan. Sa Zamboanga kasi, pwede kang maglakad sa pedestrian lane, dito, kelangan mong tumakbo!!! 

Tip # 3: Social Networking: Huwag kang pumunta ng Maynila kung wala kang kakilala!!! Diyos ko, mawawala ka dito! kelangan mo ng "gabay" sa simula.. pag medyo kabisado mo na ng konti ang Maynila, pwede ka ng mag-solo. Gaya ko, sa pangalawang araw ko dito, nangahas na akong mag-commute. Natutunan ko kung saan ang EDSA, ang C5 at madami pang iba...

Tip # 4: Malaki ang Metro Manila: kung may plano kang pumunta ng isang lugar na medyo malayo sa tinitirhan mo sa lungsod, kelangan mong i-consider ang travel time. Sa Zamboanga kasi, 5-10 minutes lang ang travel kung pupunta ka sa mga malls, opisina ng gobyerno, mga liwasang-bayan, etc. at usually isang sakayan lang dahil lahat ng route ng jeep ay papuntang "Town" o yung commercial district ng Zamboanga o kaya sakay ka na lang ng Tricycle (ang Taxi ng Zamboanga) kung gusto mo ng privacy. Pero dito sa MAynila, usually tatlong sakayan. Kunwari, kung pupunta ako ng Trinoma mall. Mag-aabang ako ng Jeep na papuntang Tulay sa Lawton Avenue (Fort Bonifacio) at bababa ako sa Market! Market Mall. Tapos sasakay ako ng Bus na papuntang Ayala (Makati). Tapos sasakay ako ng MRT sa Ayala tapos bababa sa North Avenue. That will take me 1 hour and 30 minutes!! see the difference? 

Tip # 5: Be Inquisitive: sinimulan ko ang blog na ito sa mga tanong dahil yun ang pinaka-importante kung gusto mong mag-survive dito... syempre, pumili ka rin ng pagtatanungan mo, dapat yung mukhang reliable. Usually, sa mga sekyu kasi sila ang mas nakakaalam ng mga pasikot-sikot dito.

Ayun... sana ay nakatulong ito sa mga may balak bumiyahe o mamasyal sa Kamaynilaan. Abangan nyo't madami pa akong ibabahagi sa inyo...

Trivia: First time kong magsulat ng blog sa Tagalog kasi gusto kong mahasa ang speaking skill ko sa Tagalog. Pinag-aaralan ko din ang intonasyon at "accent" ng mga Manilenyo... :))


No comments:

Post a Comment